Tuesday, March 28, 2017

Suring Basa "Ang Kalupi"


I. PAGKILALA SA MAY AKDA

Benjamin P. Pascual

Ang nobelistang si Benjamin P. Pascual ay ipinanganak sa lungsod ng Laoag, Ilocos Norte. Marami na siyang naisulat na maikling kuwento sa wikang Ilokano at nakasulat na rin ng dalawang nobela sa wikang ito. Naisalin niya sa wikang Ilokano ang Rubaiyat ni Omar Khayam. Ilan sa mga isinulat ni Benjamin P. Pascual ay ang Babaeng Misteryoso, Lalaki sa Dilim, Landas sa Bahaghari at isa sa mga sikat na maikling kuwento na kanyang nailimbag ay Ang Kalupi. Isa sa mga bagay na nag-udyok sa kanya upang likhain ang kuwentong ito ay gusto niyang ibahagi sa mga tao ang kawalan ng hustisya sa ating lipunan at ang sanhi ng maling akala.

II. URI NG PANITIKAN

Ang Kalupi ay isang maikling kuwento. Ito ay nagpapakita ng realidad na may mga bagay na hindi nabibigyang hustisya sa lipunan. Ang maikling kuwento ay isang maigsing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Edgar Allan Poe ang tinuturing na “Ama ng Maikling Kuwento.”

III. TEORYA NG PANITIKAN

Teoryang Realismo
Ang Kalupi ay isang teoryang realismo dahil layunin nito na ipakita ang mga karanasan at nasaksisan ng may-akda sa kanyang lipunan. Samakatuwid, ang panitikan ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo sapagkat isinaalang-alang ng may-akda ang kasiningan at pagkaepektibo ng kanyang sinulat.

IV. LAYUNIN NG AKDA

Ang layunin ng may akda ay maipakita ang realidad at mamulat ang mga tao sa tunay na mga pangyayari sa lipunan at sa mundong ating ginagalawan, ang kawalan ng hustisya at epekto ng mapanghusgang isipan ng tao. Sinasalamin nito ang katotohanan na hinuhusgahan ang isang tao base sa anyo at estado nito sa buhay. Ipinapakita sa Ang Kalupi ang isyu ng kahirapan ang nagiging dahilan ng kawalan ng boses at balakid sa hindi pagkamit ng hustisya.

V. TEMA O PAKSA NG AKDA

Ang tema o paksa ng akda ay makabuluhan sapagkat ito’y nagpapamulat sa mga mambabasa kung ano ang magiging epekto ng mapanghusgang isipan ng tao dahil lamang sa pisikal na anyo o kalagayan ng isang tao. Maaari ding sabihin na ang paksa o tema nito ay napapanahon sa kadahilanang maraming namamatay at biktima ngayon na kailanman ay hindi parin nakakamtan ang hustisya na inaasam-asam.

VI. MGA TAUHAN O KARAKTER SA AKDA

1. Aling Marta – isang pangkaraniwang nanay at asawa na nagsusumikap para sa kinabukasan ng mahirap nilang pamilya. Mayroon siyang anak na dalagang magtatapos na ng hayskul. At bilang regalo ditto, ay surpresa niya itong hahandaan. Ang tanging pangarap niya ay makapagtapos ng kolehiyo ang kanyang dalaga at umunlad ang kanilang buhay. Siya ay may katandaan na at medyo mainitin na ang ulo, mapagmarunong a otoridad at makakalimutin minsan. Minsan may pagkasinungaling din at mapanghusga sa ibang tao.
2. Andres Reyes – Gusgusing batang aksidenteng nabangga si Aling Marta at napagbintangang nagnakaw ng kanyang pitaka. Siya ay walang permanenteng tirahan, minsa’y tumutuloy sa kanyang tiyahin o di kaya’y sa kanyang lola. Kahit na anak-mahirap, hindi ito magnanakaw. Siya ay nasagasaan habang tumataka kay Aling Marta at yumaon ay binawian ng buhay.
3. Mga Pulis – Sila ang humuli at nag-imbestiga sa inaakusang pagnanakaw ng kalupi ni Aling Marta.
4. Aling Godyang – Ang tinderang inutangan ni Aling Marta ng pambili ng panghanda.
5. Dalagang Anak ni Aling Marta – Ang magtatapos sa hayskul at paghahandaan ni Aling Marta ng garbansos na siyang paborito nito.
6. Asawa ni Aling Marta – Matiyagang naghahanap buhay para sa kanyang pamilya. Siya ay mahilig manigarilyo at siyang kumuha sa kalupi ni Aling Marta ng walang paalam kaya niya ito nalimutan.

VII. TAGPUAN O PANAHON

1. Maliit na barung-barong – Isang bahay na tinitirhan ng pamilya ni Aling Marta. Dito naiwan ni Aling Marta ang kanyang kalupi na pinaniniwalaang kinuha ni Andres Reyes.
2. Pamilihang bayan ng Tondo – Dito palaging namimili si Aling Marta. Dito rin niya natuklasan na wala sa kanyang bulsa ang kanyang kalupi.
3. Kalsada malapit sa outpost – Dito kinausap ng Pulis ang bata. Sa lugar na ito binawian ng buhay ang bata.

VIII. MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA

Sa maikling kuwento ni Benjamin Pascual, ipinapakita ang pagiging mapanghusga ng lipunan dahil lamang sa panlabas na anyo ng isang tao. Sinsabi sa atin ng manunulat, na hindi dahil sa gusgusin at mahirap ang isang tao, ay magnanakaw na ito. Sinasalamin din ng akdang ito ang katotohanang mahirap makamit ang hustisya para sa mga dukha. Ang gustong ipabatid sa atin ng manunulat na hindi tamang maghusga tayo ng walang sapat na batayan. Isipin munang mabuti ang sitwasyon, at huwag magpadalos dalos.

IX. BUOD

Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barung-barong upang mamalengke para sa hahandaing mga pagkain para sa pagtatapos ng kanyanv anak. nakarating na siya sa palengke ngunit ng dumating siya sa panggitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang lalaking nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang-lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Sa kanilang pagbabangga ay muntik, na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang kaliwang dibdib.
"Ano ka ba?" bulyaw ni Aling Marta. "kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!"
"Pasensya na kayo, Ale," sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos. -tig-bebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. "Hindi ko ho kayo sinasadya. Nag mamadali ho ako, e."
"PASENSYA!" sabi ni Aling Marta.
Agad siyang tumalikod at tuloy- tuloy na pumasok. . Dumating siya sa tindahan ng tuyong paninda at bumili ng isang kartong mantika. Pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestida upang magbayad. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ang kanyang anyo.   Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Maliksi siyang lumapit at binatak ang kanyang liig.
"Nakita ring kita!" ang sabi niyang humihingal. "Ikaw ang dumukot ng piataka ko, ano? Huwag kang magkakaila!""Ano hong pitaka?" ang sabi, "Wala ho akong knukuha sa inyong pitaka"
May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga manonood"Kung maari ay sumama kayo sa amin sa pulisya upang pag-usapan ang tungkol sa bagay na ito.
Sumama ang dalawa sa pulisya.Nang makarating sila roon ay iniwan muna sila ng pulis. Hindi na nakapagtimpi si Aling Marta at hinablot ang bata. Sinaktan niya ito.
"Kahit kapkapan niyo pa ako ay wala kayong makikita sa akin!" Sabi ng bata sabay takbo ng walang lingun-lingun kasabay nito ang harurot ng isang sasakyan na siya namang dahilan ng pagkaaksidente ng bata.
"Kahit na kapkapan niyo pa ako. Wala kayong makikita sa akin" Ang Mga huling Salita na nasambit ng bata kasabay ng pagkawala nito.
Namutla si Aling Marta. Tila sinisisi ang sarili sa mga pangyayari. sa kanyang isipginawa niya lamang ang dapat gawin nino man at para malaman ng ahat na ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan. Sa kabilang banda ay naisip niya ang asawa at anak na kanina pa ay naghihintay sa kanya. Inisip niya kung paano makapag-uuwi ng ulam samantalang wala na siyang pera.
Nangutang siya sa tindahan.
Nang siya ay makauwi sinalubong siya ng kanyang asawa at anak. "Saan po kayo kumuha ng pambili, inay?" tanong ng anak""Saan pa, e di sa pitaka."
"Ngunit naiwan niyo ho ang inyong pitaka."Sabi naman ng kanyang asawa.
Noon rin ay naalala ni Aling Marta ang mga katagang sinabi ng bata na kanyang pinagbintangan.
"Kahit na kapkapan niyo pa ako. Wala kayong makikita sa akin."

X. ARAL

Makabuluhan ang kuwento ng Ang Kalupi sapagkat ito’y nagsasabi at nagbibigay malay sa bawat isa na kahit mahirap ang estado sa buhay ng isang tao o hindi gaanong maganda ang sitwasyon sa buhay o kaya’y isa s’yang pulubi sa lansangan ay hindi nangangahulugang maryoon itong masamang iniisip dahil sa katunayan hindi natin sila kilala at wala rin tayong karapatang husgahan ang kanilang pagkatao. Hindi man natin maitatanggi ang katotohanan na paminsan-minsan ay nahuhusgahan natin ang kapwa natin maganda kung itutuon na lang natin ang ating atensyon sa ibang bagay para hindi tayo makapanakit ng iba. Lahat tayo ay may karapatang maging malaya at lahat din tayo ay may karapatang makamtan ang hustisya sa buhay, kahit tayo ay mangmang o walang narating sa buhay ang importante ay malakas ang iyong loob na harapin ang mga pagsubok sa buhay at tiwala sa sarili ang kailangan. Higit pa rito dapat malaki ang tiwala sa ating Poong Maykapal sapagkat siya lang ang makakatulong sa ating mga ahirapan sa buhay.

XI. KALAKASAN AT KAHINAAN NG AKDA

Magaling ang pagkakasulat ng kwento at marami ang maaaring maging interpretasyon ditto dahil sa napakahusay at napaka-angkop na pagkakasalaysay sa kwento. Nakakapukaw ng isipan at damdamin ang huling bahagi ng kwento sapagkat hindi mo akalaing ganun pala ang magiging kahinatnan nang susunod na kaganapan. Maganda rin ang paggamit sa mga tauhan dahil malaki ang impakt ng mga ito sa mga mambabasa. Hindi nga lang masyadong malinaw ang ilang mga bagay rito tulad ng kung saan kumuha si Aling Marta ng pera upang mabili niya ang kanyang mga pinamili. Dahil nakakabitin ang kwento nakakalito rin kung ano ang nagging nangyari pagkatapos mahimatay ni Aling Marta at kung ano ang naging reaksyon ng kanyang anak at asawa. Dapat mas naging detalyado pa sa bandang wakas ang kwento. Kahit hindi naging detalyado ang kwento ay naging maganda parin ito sa aking puso’t isipan.

Suring Basa "Ang Kalupi"

I. PAGKILALA SA MAY AKDA Benjamin P. Pascual Ang nobelistang si Benjamin P. Pascual ay ipinanganak sa lungsod ng Laoag, Ilocos No...